Taste of Blood
Sta. Lucia High School
# 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City
Taste of Blood
ni Knight in Black
PSICOM Publishing Inc, 2024
Isang Suring-Aklat (Book-Review) na iniharap
kay G. Danilo P. Agpaoa, LPT
Bilang isa sa mga Pangangailangan sa Kursong
Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik
Ipinasa ni:
Leni Fatima Rico
G11- STEM 1
Enero, 2025
I. PANIMULA
A. Pamagat
Ang “Taste of Blood” ay hindi karaniwang napapakinggan bilang pamagat ng isang nobela, kaya't agad itong pumupukaw ng interes. Maaari itong tumukoy sa metaporikal o literal na kahulugan na sumasalamin sa pangunahing tema ng akda. Ang pamagat ay nagmumungkahi ng mga ideya tungkol sa pagpaslang, karahasan, o paghihiganti na mga aspeto ng isang madilim at emosyonal na kuwento. Ano nga ba ang nais iparating ng akda? Malinaw na layunin ng may-akda na pukawin ang atensyon ng mga mambabasa at mag-iwan ng tanong "Ano ang nilalaman ng nobelang ito?" Ang pamagat pa lang ay nagbibigay ng pahiwatig na ito'y isang kwentong puno ng misteryo at drama.
Hindi madaling matukoy ang kabuuang takbo ng kwento sa pamagat lamang. Kinakailangan mong basahin ang buong aklat upang lubos na maunawaan kung bakit ito ang napiling titulo ng may-akda. Sa simula pa lamang ng kwento, mababanggit na ang mga salitang "paghihiganti," "bampira," at "immortal." Mula rito, mararamdaman na ang madilim na temang umiikot sa karahasan at personal na laban ng bida. Ang pamagat na “Taste of Blood” ay umaangkop sa sentral na tema ng nobela. Ito ay may kaugnayan hindi lamang sa literal na dugo, kundi pati na rin sa matinding damdamin ng paghihiganti at sakripisyo. Sa kabuuan, ang “Taste of Blood” ay sumasalamin sa personal na paglalakbay ng bida na iisang kwento ng pakikibaka, sakripisyo, at hindi matatawarang paghihiganti.
B. Uri ng Panitikan at Genre
Ang “Taste of Blood” ay isang nobela dahil ito ay isang mahabang kwento na sumusunod na isang pangunahing tauhan, si Hezira, sa kanyang paglalakbay na puno ng hamon at sakripisyo. Ang genre ng kwento ay thriller at fantasy, kung saan ang mga pangyayari ay puno ng misteryo at makatindig malahibo, ang mga tauhan ay nahaharap sa mga supernatural na aspekto tulad ng bampira at immortal. Ang nobela at tumatalakay sa paghihiganti, moralidad, at mga desisyong may malalim na epekto sa buhay ng bida, pati na rin ang pag-adapt sa isang bagong mundo na puno ng panganib at lihim.
C. Pagkilala sa May-akda
Ang may-akda ng libro na si John Kirby I. Bautista, o mas kilala sa pen name na KnightInBlack, ay isang tanyag at hinahangaang manunulat sa Wattpad. Ipinanganak siya noong Pebrero 10, 1998, at kasalukuyang naninirahan sa lalawigan ng Pampanga. Nagsimula siyang makilala sa mundo ng panitikan nang pasukin niya ang pagsusulat sa Wattpad noong Nobyembre 2015. Sa edad na 17, sinimulan niyang likhain ang kaniyang mga kwento na umani ng malaking suporta mula sa mga mambabasa.
Isa sa pinakatampok niyang akda ay ang Hell University, na isinulat niya noong Pebrero 8, 2016. Ang akdang ito ay naging isa sa mga pinakapinag-uusapang kwento sa Wattpad at patuloy na tinatangkilik ng mga mambabasa. Dahil sa natatanging istilo ng kanyang pagsusulat at husay sa pagbibigay-buhay sa kanyang mga karakter, mabilis siyang umangat bilang isa sa mga kinikilalang manunulat sa platform.
Bukod sa Hell University, sumikat din ang iba pa niyang akda tulad ng Taste of Blood at Trapped. Kadalasang may temang dark fantasy, action, at romance ang kanyang mga kwento, kaya naman hindi nakapagtataka na marami ang patuloy na sumusubaybay sa kanyang mga likha. Sa bawat kwentong kanyang inilalathala, naipapakita niya ang kaniyang kahusayan sa paglalahad ng masalimuot ngunit kapanapanabik na mga istorya, na siyang nagbibigay ng inspirasyon at aliw sa kaniyang mga mambabasa.
Dahil sa kanyang dedikasyon at pagmamahal sa pagsusulat, kinilala si KnightInBlack bilang isang prominenteng manunulat sa komunidad ng Wattpad. Ang kanyang mga akda ay hindi lamang isang anyo ng libangan kundi isa ring mahalagang ambag sa panitikang nababasa online na nagbigay-sigla sa maraming mambabasa at kapwa manunulat. Sa patuloy niyang paglikha ng mga kwentong puno ng imahinasyon at emosyon, walang dudang magiging bahagi siya ng panitikang Pilipino sa bagong henerasyon
II. PAGSUSURING PANGNILALAMAN
A. Tema / Paksa
Ang pangunahing tema ng “Taste of Blood” ay umiikot sa paghihiganti at paghahanap ng hustisya ng isang anak para sa pagkamatay ng kayang ina. Pinapakita sa kwento kung paano ang matinding kalungkutan, galit, at ang paghahangad ng katarungan ni Hezira, ang bida, ay nagdala sa kanya sa isang mapanganib na paglalakbay na magpapabago sa kanyang buhay. Sa kabila ng pagiging mortal, pinili ni Hezira na magbago at maglakbay patungo sa mundo ng mga bampira. Sa paghahanap ng sagot, unti-unti niyang natuklasan ang madilim na lihim sa likod ng pagkamatay ng kaniyang ina.
Habang tumatagal ang kanyang paglalakbay sa mundong puno ng immortal at mga makapangyarihan nilalang, natutunan niyang hindi lang tungkol sa paghihiganti ang layunin ng kaniyang misyon. Kasama ng bagong kaalaman, napagtanto niyang ang kaniyang sarili at ang kanyang buhay ay mayroong malalim na ugnayan sa mga bampira at kasaysayan ng kanyang pamilya. Sa bawat hakbang, napapalalim ang kaniyang pag-iisip sa kung ano ang susunod niya na gagawin, hindi lamang para sa hustisya, kundi para matuklasan ang kanyang tunay na pagkato at papel sa mundong immortal at mortal.
B. Mga Tauhan, Tagpuan, at Panahon
Mga Tauhan
Hezira - Si Hezira ay isang malakas, matalino at matapang na babae na puno ng galit at kalungkutan dahil sa pagkamatay ng kaniyang ina. Isang mortal na handang magsakripisyo ng lahat kabilang na ang kaniyang buhay, upang maging immortal at makamtan ang hustisya.
Prinsipe Dominus - Isang makapangyarihan at misteryosong karakter sa nobela. Isa siyang bampira na may mataas na posisyon sa mundo ng mga immortal, kilala sa kanyang lakas, katalinuhan, at mahigpit na pamumuno.
Prinsipe Arcus - Si Prinsipe Arcus ay isang makapangyarihang karakter sa nobela, at isang mahalagang miyembro ng lahi ng mga bampira. Kinikilala siya bilang isang prinsipe at may mataas na posisyon sa kanilang lipunan.
Lola Orea - Si Lola Orea ay isang mahalagang karakter sa nobela na may malaking impluwensya sa buhay ni Hezira. Siya ay isang matapang at mabait na Lola na may malalim na kaalaman tungkol sa kasaysayan at kultura ng mga imortal. Siya ang tumulong kay Hezira na makapasok sa mundo ng mga immortal.
Tita Rema - Si Tita Rema ay mula sa mundong immortal, isang matapang at maalam na karakter sa nobela na nagsisilbing tagapayo ni Hezira. May malalim siyang kaalaman sa mga lihim ng mga immortal at kasaysayan ng pamilya ni Hezira.
Hera - Si Hera ay isang batang karakter sa nobela na anak ni Tita Rema. Bagamat bata, siya ay may natatanging kakayahan at koneksyon sa mga immortal, partikular sa mga bampira.
Hegel - Si Hegel ay isang batang karakter sa nobela, siya ang kambal ni Hera. Gaya ni Hera, sya ay may natatanging kakayahan at koneksiyon sa mga imortal. Siya din ang tumulong kay Hezira at nagpatuloy sa kanilang tahanan.
Tagpuan
Liblib na Lugar - Naganap ang kwento sa isang liblib na lugar malapit sa bukana ng kakahuyan, dito matatagpuan ang bahay ni Lola Orea na tumulong kay Hezira upang makapasok sa mundo ng mga immortal. Sa labas ng bahay naganap ang pag pagbukas ng portal ng mga bampira. Gumuhit ng bilog sa lupa si Lola Orea at pinapasok si Hezira sa isa sa dalawang bahagi ng bilog, binigyan ng isang mahiwagang kwintas si Hezira at tsaka pinanaalahanan bago mag paalam.
Bungad na Kakahuyan – Nagising si Hezira sa mundo ng mga immortal, napansin nya na sa bungad lang ito ng kakahuyan. Dito sya natagpuan ng kambal na Hera at Hegel, napansin nila na walang kasama si Hezira at inaya sa kanilang tahanan. Dito rin siya natutong mangaso o kumuha ng dugo ng mga hayop upang maibsan ang pagkauhaw.
Arcus University – Ipinangalan ito mula kay Prinsipe Arcus. Sa Arcus University, nagkaroon ng mahalagang pagtatagpo sina Dominus at Hezira na nagdala ng matinding pagbabago sa kanilang mga buhay. Sa loob ng unibersidad, natuklasan ni Hezira ang mga lihim tungkol sa mga imortal, pati na rin ang tunay na papel ni Dominus sa mundong ito. Sa isang madilim at lihim na bahagi ng Arcus University, naganap ang isang tensyonadong pag-uusap sa pagitan nila. Dito, inilantad ni Dominus ang ilang katotohanan tungkol sa mga bampira at ang koneksyon ni Hezira sa kanila. Sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan, unti-unting napagtanto ni Hezira na hindi niya matatakasan ang kanyang tadhana. Samantala, si Dominus ay tila may ibang layunin, kung siya ba ay kaalyado o isang balakid sa misyon ni Hezira, iyon ang tanong na unti-unting mabibigyan ng sagot sa unibersidad na puno ng mga lihim.
Palasyo – Sa palasyo naganap ang mahahalagang tagpuan sa kwento. Nais ni Hezira na makapasok sa palasyo upang malaman ang mga lihim ng mga namumuno sa mundo ng mga bampira at masagot kung sinong pumaslang sa kaniyang Ina. Sila ay biglang nagkakilala ni Prinsipe Dominus sa hindi maipaliwanag na paraan at siya ay inimbitahan nito. Nagsinungaling si Prinsipe Dominus na ang magiging tagapag alaga niya ay si Hezira para lamang makapasok ito sa palasyo. Dito namamalagi ang dalawa at mas napalalim ang kanilang relasyon. Dahil sa koneksiyon at pagpasok sa palasyo, nalaman ni Hezira ang katotohanan.
Panahon
Nangyari ang kwento noong taong 1990’s, dito ipinapakita ang paniniwala ng karamihan sa itim na mahika at bampira na hindi maipapaliwanag ng isang tao. Ayon sa kwento may magarang suot na si Hezira at matatas na sya magsalita ng Ingles, sa panahon natin laganap na ang magagarang damit pati ang pag-aaral ng Ingles dahil nasakop tayo ng mga Amerikano. Nagkaroon ng pagdududa ang mga mataas na uri ng bampira dahil tanging maharlika lamang na gaya nila ang nakakapagsuot ng magarang damit at gumagamit ng Ingles, nanibago sila kay Hezira dahil hindi pa nila nakikita ang bida ngunit may kakaiba na sa kanya. Dito nila napagtanto na ibang uri ng nilalang si Hezira at may tinatago ito.
C. Estilo ng Pagkakasulat ng May-Akda
Ako’y ay lubos na namangha sa estilong ginamit ng may-akda ng nobela. Gumamit siya ng mga matalinhagang salita na may halong Ingles, na nagbibigay ng kakaibang kulay sa kanyang pagsasalaysay. Dahil dito, hindi naging mahirap basahain ang kwento, sapagkat kahit papaaano ay may mga pamilyar na salitang Ingles na nakatulog sa mas madaling pag-unawa ng mga pangyayari.
Isang rin sa mga dahilan kung bakit naging kaaya-aya ang kwento ay ang pagkakaroon nito ng mga jokes. Sa halip na maging mabigat sa damdamin ang maramdaman sa buong kwento, nagkaroon ito ng balanse sa pagitan ng drama at katatawanan. Ang paggamit ng may-akda ng pagpapatawa sa ilang bahagi ay nagbigay sigla at aliw sa pagbabasa, kaya hindi ito nakakabagot.
Bukod dito, mahusay niyang nailahad ang mga kapanapanabik at makatindig-balahibong pangyayari sa pamamagitan ng detalyadong paglalarawan. Dahil dito, nadama ko na tila isa rin akong bahagi ng kwento at nadala ako sa bawat eksena. Ang kaniyang masining na pagsasalaysay ay lalong nagpalalim sa aking pag-unawa sa kwento at nagbigay ng mas malinaw na larawan sa akin isipan ng bawat tagpo at emosyon ng mga tauhan.
Sa huli, masasabi ko na naging mas epektibo ang aking pagbabasa dahil sa paraan ng pagsulat ng may-akda. Ang mga salitang ginamit ay madaling maunawaan, ngunit hindi nawawala ang lalim at kahulugan ng bawat isa. Napasaya ako sa mga nakakatawang bahagi, napaisip sa mga matalinhagang pahayag, at higit sa lahat, nadama ko ang emosyon ng bawat tauhan dahil sa kanyang mahusay na paglalarawan. Tunay ngang isang kahanga-hangang akda ang kanyang nailikha.
III. PAGSUSURING PANGKAISIPAN
A. Kakintalan / Kaisipan
Maraming mahahalagang aral ang ipinapakita ng nobelang ito, na maaaring magsilbing gabay sa ating pang-araw-araw na buhay. Isa sa mga pangunahing kaisipang binibigyang-diin ay ang paghahanap ng hustisya sa ina ni Hezira. Mahalaga na makamit ang hustisya sa tamang paraan, hindi sa pamamagitan ng dahas o masamang paraan, kundi sa malinis at makatarungang proseso. Ipinapakita ng kwento na ang tunay na hustisya ay hindi dapat isinasakripisyo ang sariling prinsipyo at moralidad. Kaugnay nito, binibigyang-diin din ng kwento na hindi kinakailangang gumamit ng paghihiganti upang makamit ang hustisya. Sa halip na gumanti sa maling paraan, mas mainam na hanapin ang katotohanan at ipaglaban ito nang may integridad. Ang tunay na hustisya ay hindi nagmumula sa galit at paghihiganti, kundi sa patas at makatarungang proseso. Ipinapakita ng nobela na ang paghihiganti ay hindi nagdudulot ng tunay na kapayapaan sa puso ng isang tao, kundi lalo lamang nagpapalalim ng sugat at hinanakit.
Isa pang mahalagang kaisipan sa kwento ay ang pagtitiwala ni Hezira sa kanyang sarili. Sa kabila ng lahat ng pagsubok at hadlang na kanyang hinarap, nanatili siyang matatag at naniwala na magagawa niya ang lahat ng kanyang itinakdang layunin. Ipinapakita nito na ang paniniwala sa sarili ay isang mahalagang susi sa tagumpay. Walang masama sa pagkakaroon ng tiwala sa sariling kakayahan, sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng lakas ng loob upang ipaglaban ang ating mga pangarap. Ang isang taong naniniwala sa kanyang sarili ay may mas mataas na posibilidad na maging matagumpay sa kanyang ginagawa, anuman ang mga pagsubok na dumating.
Bukod sa pagtitiwala sa sarili, mahalaga rin ang pagtitiwala sa mga taong nakapaligid sa atin. Sa kwento, binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagkilala sa mga taong nakakasama natin. Ang mga taong nasa ating paligid ay maaaring maging gabay at inspirasyon upang tayo ay lumago bilang tao. Kaya naman, kailangang maging maingat sa pagpili ng mga taong pagkakatiwalaan, sapagkat sila rin ang maaaring makaapekto sa ating pananaw sa buhay. Ang mabubuting kaibigan at kasama ay maaaring magsilbing huwaran na magtutulak sa atin tungo sa tamang landas.
Sa kabuuan, ang kwento ay nag-iiwan ng malalim na mensahe tungkol sa hustisya, pagtitiwala sa sarili, tamang pagpili ng mga taong dapat pagkatiwalaan, at ang kahalagahan ng pagpapatawad kaysa sa paghihiganti. Ang mga aral na ito ay maaaring magsilbing gabay sa ating buhay, upang mas maging makatarungan, matatag, at mabuti tayong mga indibidwal.
B. Kulturang Masasalamin
Ating maihahambing ang kultura ng mga Pilipino sa mga temang ipinakita sa nobelang aking nabasa. Sa akdang ito, binigyang-diin ang pagpapahalaga sa pamilya at hustisya, na siyang pangunahing katangian ng kulturang Pilipino. Gaya ng mga Pilipino na handang gawin ang lahat para sa kanilang mahal sa buhay, ipinakita sa kwento ang matibay na paninindigan ng pangunahing tauhan sa paghahanap ng katarungan. Ang diwa ng pamilya bilang sandigan ay isang mahalagang aspeto ng ating kultura, isang paniniwalang nagpaapalakas ng loob ng bawat Pilipino sa kabila ng pagsubok.
Bukod dito, masasalamin din sa kwento ang kahalagahan ng pagtitiwala sa sarili at kakayahang bumangon mula sa pagsubok sa buhay. Tulad ng maraming Pilipino na patuloy na nagsisikap upang malampasan ang hamon ng buhay, ipinapakita sa akda ang determinasyon ng pangunahing tauhan sa pagharap sa mga hadlang. Ang katatagan ng loob, sipag at tiyaga ay ilan sa katangiang likas sa ating lahi, na nagiging daan sa tagumpay sa kabila ng mga pagsubok.
Isa pang mahalagang aspeto ng kulturang Pilipino na masasalamin sa nobela ay ang paniniwala sa mga mitolohikal na nilalang, gaya ng bampira at iba pang nilalang na madalas ikinikwento sa mga bata upang sila ay takutin o ipaliwanag ang ibang misteryosong pangyayari. Sa maraming panig ng bansa, nananatili ang mga kwentong bayan tungkol sa aswang, tikbalang, at iba pang kababalaghan na naging bahagi na ng ating panitikan. Ang ganitong paniniwala ay nagpapakita ng malalim na koneksyon ng mga Pilipino sa kanilang kultura at paniniwala mula pa noong sinaunang panahon.
Dagdag pa rito, ipinakita rin sa nobela ang paggamit ng wika at ang malakas na impluwensya ng mga dayuhan sa ating kultura. Makikita rito ang paggamit ng mga salitang Ingles, na epekto mula sa pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Bukod sa wika, naihahalaw din natin ang iba’t-ibang kultura, kasanayan at paniniwala mula sa kanila na patuloy nating nagagaya sa iba’t-ibang aspeto ng ating buhay. Ipinapakita kung paano nakibagay ang mga Pilipino sa iba’t-ibang kultura nang hindi nawawala ang sariling identidad.
Sa madaling sabi, ang nobela ay isang repleksiyon ng kulturang Pilipino, pagpapahalaga sa pamilya, hustisya, katatagan ng loob sa kabila ng pagsubok, paniniwala sa mitolohiyang nilalang, at ang kakayahang makibagay sa mga impluwensya nang hindi nawawala sa sariling pagkakakilanlan. Ipinapakita nito kung paano natin pinangangalagaan ang ating tradisyon habang patuloy na sumasabay sa mga pagbabagong dulot ng panahon.
IV. LAGOM
Ang kwentong ito ay tungkol kay Hezira, isang anak na nagnanais makamit ang hustisya para sa kanyang ina. Paghihinala na mga bampira ang pumaslang sa ina, nais niyang makapasok sa mundo ng mga ito. Upang magawa ito, hinanap niya si Lola Orea, isang matandang may kakayahang buksan ang daan patungo sa mundo ng mga bampira. Binigyan siya nito ng isang mahiwagang kwintas na kalahating buwan, na magsisilbing proteksyon niya, ngunit tuwing kabilugan ng buwan ay nawawalan ito ng bisa, dahilan upang bumalik siya sa pagiging tao.
Sa bagong mundo, nagising si Hezira sa isang kakahuyan kung saan nakilala niya ang kambal na sina Hera at Hegel, pati na rin ang kanilang ina na si Tita Rema, kumpkop at nagturo sa kanya kung paano mangaso. Habang tumatagal, napansin niyang nagbabago ang kanyang katawan, lumakas ang kanyang pandama, bumilis ang kilos, at nagkaroon siya ng matinding pagkauhaw sa dugo. Unti-unti, napagtanto niyang nagiging ganap na siyang bampira.
Isang araw, habang bumibili ng patalim kasama si Hera, nasaksihan niya kung paano inaapi ng mga kawal mula sa palasyo ang mga tao sa bayan. Sa kanyang galit, naglakas-loob siyang komprontahin ang mga ito, ngunit dahil sa kanyang kakaibang pananamit at matatas na pagsasalita ng Ingles, naging kahina-hinala siya. Hinabol siya ng mga sundalo, ngunit nakatakas at nagtago sa isang puno. Dito, biglang lumitaw ang isang lalaking may itim na buhok, asul na mata, at mararangyang kasuotan na si Prinsipe Dominus. Inimbitahan siya ng prinsipe sa kanyang kaarawan sa palasyo, at sa kanyang pag-alis, narinig ni Hezira ang mga sundalong tumawag sa kanya bilang "Mahal na Prinsipe," kaya napagtanto niyang maharlika ito.
Sa tulong ni Dominus, nakapasok si Hezira sa Arcus University, kung saan unti-unting nabunyag ang koneksyon ng kanyang ina sa mundo ng mga bampira. Natuklasan niya ang isang madilim na lihim, may kinalaman ang kanyang pamilya sa isang trahedyang bumalot sa kanilang lahi. Sa kabila ng pagkakaroon niya ng bagong tahanan at isang malalim na ugnayan kay Dominus, napagpasyahan niyang bumalik sa mundo ng tao.
Sa huling sandali bago siya lumampas sa portal, pinaalalahanan siya na mawawala ang lahat ng kanyang alaala tungkol sa mundo ng mga bampira. At nang siya ay bumalik, ang matatandaan na lamang niya ay namatay ang kanyang ina sa isang aksidente. Sa paglipas ng panahon, ipinagpatuloy ni Hezira ang kanyang pangarap na maging guro, ngunit sa kabila ng lahat, nanatili sa kanyang puso ang hindi maipaliwanag na lungkot at pangungulila sa isang bahagi ng kanyang nakaraan, isang buhay na minsan niyang naranasan ngunit hindi na niya maalala.
V. MGA REAKSYON AT MUNGKAHI
Napakaganda ng pagkakasulat ng libro, malinaw at maayos ang pagsasalaysay ng may-akda. Bagamat ito’y isang thriller at fantasy, matagumpay niyang naihalo ang mga elementong nakakapukaw ng atensyon tulad ng mga jokes at nakakakilig na pangyayari, kaya hindi ito naging boring. Ang mga unang pangyayari at pamagat pa lang ay agad nakatawag ng aking interes at nagbigay ng motibasyon na tapusin ang buong kwento, kahit na hindi ako karaniwang mahilig sa ganitong klase ng akda.
Isa sa mga bagay na ikinatuwa ko ay ang pagkakaroon ng isang espesyal na chapter, na nagbigay halaga sa kwento, kahit na medyo kulang ang ending. Makikita sa libro ang pagsasama ng mga kultura, at partikular, ang mga aspeto ng kulturang Pilipino na nakapagbibigay ng mas malalim na koneksyon sa mga mambabasa.
Kung may babaguhin man ako, ito ay ang layout at ang paggamit ng mga larawan. Mas nakaka-engganyo ang mga libro kapag may kasamang mga imahe, ngunit maaaring may dahilan kung bakit pinili ng may-akda na puro salita lamang. Isa pang bagay na nais ko sanang ma-improve ay ang kalidad ng pag-imprenta, dahil may ilang parte ng libro na hindi malinaw ang teksto at may mga pahina na hindi pantay ang paggupit. Siguro ay ma-improve pa ito dahil bagong labas lang ang libro. Nagustuhan ko naman ang pagkakaroon ng balot at libreng bookmark na may disenyo ng mga karakter, pati ang pasasalamat na isinama ng may-akda.
Sa kabuuan, ang “Taste of Blood” ay isang magandang libro na dapat basahin dahil sa nilalaman na mahalagang mensahe. Kung ikaw din ay fan ng mga fantasy at thriller na aklat ay matutuwa ka dito. Ipinapakita nito na ang hustisya ay mahalaga, hindi lamang sa paghahanap ng karampatang parusa para sa mga may kasalanan, kundi pati na rin sa paggawa ng tama at pagtindig sa kung ano ang katotohanan. Pinapaalala ng kwento na ang kapayapaan ay higit na mahalaga kaysa paghihiganti, at ang pagkawala ng mga mahal sa buhay ay hindi nangangahulugang katapusan ng mundo. Dapat tayong magpatuloy, magsikap, at gawing motibasyon ang mga pagsubok upang magtagumpay sa buhay.