Thursday, January 9, 2025

Sulatin Bilang 4: Paksa o Kasabihan

             

                            Pinupukol ang Punong Hitik sa Bunga



Marahil kapag narinig ang kasabihang “Ang punong hitik sa bunga ay laging binabato,” maiisip mo ang literal na kahulugang na ang punong hitik sa bunga ay madalas na pinipitas. Ngunit may mas malalim pa itong kahulugan. 

 Ang bawat tao ay nabibigyan ng iba’t-ibang oportunidad upang umunlad at maging matagumpay. Subalit, sa kabila ng tagumpay ng ilan, may mga tao pa ring patuloy naiinggit at hindi masaya sa tagumpay ng iba. Ang mga taong matagumpay ay kadalasang pinupuna o sinisiraan ng mga taong nais makamit ang kanilang tagumpay ngunit nabigo sa sariling buhay. Para itong puno na hitik sa bunga, pinipitas ang bunga dahil sa dami ng biyayang mayroon.  

 Bilang tao, mayroon tayong kakayahan na pumili ng  landas na tatahakinBinibigyan tayo ng  pagkakataong mag-aral at mapapalawak ang ating kaalaman, na nagiging daan sa tagumpay. Sa paglipas ng panahon, habang tumataas ang antas ng ating edukasyon, nagiging mas malinaw ang ating pananaw at mas maayos na kinakaharap. Ang iba’y nagtatagumpay sa kanilang propesyon, nakakapagtrabaho sa ibang bansa, kumikita nang malaki, at nakakamit ang mga bagay na kanilang pinapangarap. 

 Ngunit hindi lahat ay nagkakaroon ng parehong pagkakataon. May mga taong hindi nagbibigyan ng pagkakataon na makapag-aral at pumili ng mas maunlad na buhay. Dito nagsisimula ang inggit. Nakikita nila ang tagumpay ng iba, ngunit hindi nila nauunawaan ang hirap at sakripisyo sa likod nito. Sabi nga, “Kahit anong gawin mo, kahit paghandaan mo pa sila, may masasabi pa rin sila tungkol sa iyo.” 

 Hindi naman natin mapipilit ang lahat na magustuhan o tanggapin tayo, lalo na kung tayo’y matagumpay. Gayunpaman, ang mga taong patuloy na nagbibigay at nagbabahagi ng kanilang biyaya ay mas lalong pinapagpala, samantalang ang inggit ay nanatiling hadlang sa mga taong nagkukulong dito 

 Ipinapakita ng kasabihang ito na ang tagumpay ay may kasamang pagsubok. May mga taong hindi maniniwala o susuporta sa iyo habang nagsisimula ka pa lamang, ngunit magpapakita ng interes kapag narating mo na ang rurok ng tagumpay. Kaya’t mahalaga na harapin ang mga hamon at matutong maging matatag. “Kapag binato ang puno mo na hitik sa bunga, huwag kang kumibo, ibahagi na lamang ang bunga.” Paalala na hindi nasusukat ang tagumpay sa kung ano ang iyong nakamit, kundi kung paano mo ito ibabahagi sa iba.

No comments:

Post a Comment

Suring-Aklat: Taste of Blood

Taste of Blood Sta. Lucia High School    # 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City          Taste of Blood     ni Knight in B...