"Anak" ni Freddie Aguilar
Marami akong naramdaman sa aking pakikinig ng kantang “Anak” ni Freddie Aguilar. Aking napagtanto kung gaano kahalaga ang papel ng ating mga magulang sa ating buhay. Ipinakita ng kanta ang kanilang sakripisyo para sa kanilang mga anak na hinding-hindi matutumbasan ng anumang bagay.
Ang ating mga magulang ang nagbigay ng buhay sa atin. Sila ang nagturo sa atin ng mga unang hakbang sa buhay tulad ng pagsulat, pagbasa at pagbibilang, mga pundasyong nagdala sa atin kung nasaan tayo ngayon. Sila ang saksi ng ating mga luha tuwing tayo ay may problema, ang ngiti sa tuwing tayo ay nagtatagumpay, sila ang kasama natin sa bawat mahalagang yugto ng ating buhay.
Naisip mo ba kung anong mangyayari sa iyo kapag nawala ang iyong magulang? Maswerte ang iba na lumaki kasama ang mga magulang na nagbibigay gabay, pagmamahal at sakripisyo. Ngunit paano ang mga walang magulang? Walang masasandalan? Walang makakausap tuwing may problema? Walang kasama sa kanilang tagumpay sa buhay? Maswerte ako kahit hindi man ako pinalaki ng aking Ama’t Ina ay may nagpadama pa rin sa akin ng pagmamahal nararapat kong maranasan. Sila ang naging paa sa aking pagbangon at ang gabay hanggang matutunan kong tumayo sa sariling lakas.
Nakita ko kung gaano ako kamahal ng aking mga magulang. Handa nilang isugal ang lahat para sa aking kinabukasan. Tulad ng sinasabi sa kanta, nagiging matigas din minsan ang ulo ko, nagkakamali at di napapangaralan, ngunit nariyan pa rin sila upang gabayan at itama ang aking landas. Nais kong makapag tapos ng aking pag-aaral at makahanap ng magandang trabaho upang masuklian ko ang lahat ng paghihirap ng aking mga magulang. Ang lahat ng aral na itinuro nila ay aking isasaisip at isasapuso upang manatili sa tamang landas.
Ang kantang “Anak” ang nagbigay sa akin ng mas malalim na pag-unawa sa misyon ng ating mga magulang. Ipinakita nito ang kanilang walang katumbas na pagmamahal at gabay para sa ating tagumpay. Paalala ito na dapat pahalagahan at mahalin ang mga magulang habang may pagkakataon.
No comments:
Post a Comment