Thursday, January 9, 2025

Sulatin Bilang 5: Diploma o Diskarte: Ano ang Pipiliin Mo?

  Diploma O Diskarte: Ano ang Pipiliin Mo?




Ano nga ba ang iyong pipiliin, Diploma o Diskarte? Sa aking palagay, ang sagot dito ay nakadepende sa tao at sa kaniyang pangangailangan. May mga pagkakataong ang isang tao ay may sapat na kakayahan at pagkakataon upang mag-aral, kaya ang pagpili ng diploma ang mas makabubuti para sa kanya. Sa kabilang banda, may mga tao naman na walang nang sapat na kakayahan  upang mag-aral, kaya diskarte na lamang ang magiging sagot sa kanilang sitwasyon. Ang diskarte ang magsisilbing gabay upang sila ay magtagumpay, kahit walang diploma. 

 Para sa akin, parehong mahalaga ang diploma at diskarte, at sa hinaharap, magiging balanse ang dalawang aspeto na ito upang magtagumpay sa buhay. Kung ako ang papipiliin, nais ko ang makapagtapos ng aking pag-aaral at magkaroon ng diploma gamit ang diskarte. Ang diskarte ang magsisilbing gabay at magtuturo sa akin ng mga praktikal na aral mula sa buhay, samantalang ang diploma ay magbibigay ng kredibilidad at oportunidad sa trabaho.  

 Ang diploma ay isang sandata para sa akin upang makahanap ng maganda at maayos na trabaho na magbibigay sa akin ng kakayahan na matustusan ang aking mga pangangailangan. Ngunit hindi lang diploma ang mahalaga, kasama dito ang kasanayan at kaalaman na makukuha ko sa paggamit ng diskarte. Ito ay isang kumbinasyon ng pormal na edukasyon at praktikal na kalaaman na magdadala sa akin sa tagumpay. Sa paglipas ng panahon, makikita ko na mas mapapalawak ang aking kaalaman at kasanayan na magiging kapaki-pakinabang sa aking sarili at aking mga mahal sa buhay. 

 Mahalaga ang diploma at diskarte sa ating trabaho at buhay, ngunit mahirap kung wala ang isa sa mga ito. Kung magkakaroon tayo ng diploma ngunit walang diskarte, mawawalan tayo ng kakayahan na makapag-isip at gumawa ng paraan o solusyon sa mga problema na darating. Sa kabilang banda, kung puro diskarte naman ang mayroon at walang sapat na edukasyon, mawawalan tayo ng oportunidad na makapagtrabaho sa mga larangan na kinakailangan ng pormal at mataas na kwalipikasyon. Kaya para sa akin parehong mahalaga ang diskarte at diploma sa pagbuo ng matagumpay na buhay. 

 Sa kabuuan, para sa akin, mas matimbang ang diploma. May kakaibang saya at fulfillment ang dulot nito, hindi lang sa sarili pati na rin sa magulang, dahil sa wakas ay masusuklian ko ang kanilang sakripisyo at pagmamahal. Ngunit hindi natin dapat husgahan ang halaga ng isang tao batay sa kung ano ang natapos niya o kung mayroon siyang diploma. Ang tunay na tagumpay ay nakasalalay pa rin sa kakayahan ng isang tao na mag-isip, magtimbang ng desisyon, at maghanap ng mga opotunidad sa buhay. Wala ito sa diploma o diskarte lamang, kundi sa ating pagpapasya at aksyon upang magtagumpay. Ani ni Josh Mojica, “Ang payo ko sa inyo ay stay optimistic and move fast, kasi habang bata pa kayo, iyan na ang chance ninyo na gawing stable ang life ninyo.” Huwag matakot na magsimula, matuto at gumawa ng paraansapagkat tayo mismo ang may hawak ng ating kapalaran. 

No comments:

Post a Comment

Suring-Aklat: Taste of Blood

Taste of Blood Sta. Lucia High School    # 30 Tramo St. Rosario Village, Sta. Lucia, Pasig City          Taste of Blood     ni Knight in B...